Cauayan City, Isabela- Pinakakasuhan ng Department of Justice (DOJ) sa Office of the Ombudsman si Governor Carlos Padilla ng Nueva Vizcaya, kanyang asawa at 15 iba pa dahil sa mga hindi natapos na flagship project ng pamahalaan na pinondohan ng tinatayang P149 milyon.
Inihain ng DOJ ang reklamong paglabag sa Section 3 (e) ng Republic Act (RA) No. 3019 o Anti- Graft and Corrupt Practices Act, Sec. 65 (c) (1) ng RA No. 9184 o Government Procurement Reform Act laban sa Gobernador.
Nag-ugat ang reklamo dahil sa hindi umano natatapos na infrastructure project kabilang ang Nueva Vizcaya Convention Center, Improvement at Expansion ng Provincial Capitol Building Phase 1 and 2, at Conference Hall sa Lower Magat Eco-Tourism Park sa Diadi, Nueva Vizcaya.
Sa ginawang imbestigasyon ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) at ng National Bureau of Investigation – Special Action Unit (NBI- SAU), pinakakasuhan ng criminal offense ang maybahay ni Padilla at dating Gobernador na si Ruth Padilla, ilang opisyal ng sharysu builders na contractor ng naturang mga proyekto.
Bukod pa sa reklamong anti-graft law, inirekomenda rin na maharap ang mga ito sa kasong administratibo o grave misconduct, serious dishonesty at conduct prejudicial detrimental to the best interest of the service.
Una nang hiniling ni PACC Commissioner Atty. Danilo D.C. Yang na maisailalim sa preventive suspension si Gov. Padilla at 16 iba pa upang maiwasan na makaimpluwensya sa gagawing imbestigasyon.
Sinubukan ng iFM news team na hingan ng reaksyon si Padilla pero hindi ito sumasagot sa aming tawag.