Manila, Philippines – Pumalag si House Appropriations Committee Chairman Davao City Representative Karlo Nograles sa natuklasang P10 bilyong pisong kabuuang kabawasan sa pondo ng gobyerno para sa 2019.
Naalarma ng husto si Nograles dahil lubha umanong maaapektuhan ng mga kabawasang ito ang pamamahagi ng proyekto at serbisyo sa mga nasa kanayunan.
Mahihirapan din umanong tanggapin ng mga Pilipino ang pagtatapyas na ito, sa gitna ng pagpapatupad ng TRAIN Law na lumikom ng bilyun-bilyong karagdagang buwis para sa gobyerno.
Sinabi pa ni Nograles na hindi sana naging ganito ang reaksyon kung mas malaking budget ang isinumite ng Development Budget Coordination Committee at ng sangay ehekutibo sa Kongreso.
Inaasahan kasi na hindi bababa sa P3.9 Trilyong piso ang budget ng gobyerno para sa susunod na taon.
Kabilang sa mga ahensya na natapyasan ng pondo ang DOH P35 billion, DepEd P77 billion, DPWH P95 billion, at tig limang bilyong piso na bawas budget sa DSWD at COMELEC.