Manila, Philippines – Nagsumite ng kanyang kontra-salaysay sa DOJ bago mag alas singko kanina ang naarestong nagpakilalang Tunisian na miyembro ng international terrorist group na ISIS.
Sa tulong ng abogado mula sa Public Attorney’s Office o PAO, personal na pinanumpaan ni Fehmi Lassqoued ang kanyang Counter-Affidavit.
Pagkatapos nito ay pinayagan siyang magsalita sa harap ng Media.
Inamin ng dayuhan na sa loob ng kwarto niya sa hotel sa Ermita, Maynila ang larawan na pinakita ng mga otoridad.
Gayunman, inihayag nito na wala siyang alam sa mga na-recover na pampasabog doon.
Buwan-buwan din anya siyang nagtutungo noon sa Bureau of Immigration para ayusin ang kanyang dokumento.
Gayunman, una nang inamin nito na peke ang kanyang ginamit na passport nang dumating siya sa bansa.
Kinumpirma naman ni Prosecutor Peter Ong na submitted for resolution na ang kaso nitong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.