Ano mang oras ngayong umaga ay isasailalim na sa inquest proceedings ang suspek na kinilalang si alyas “Natty”, 42 taong gulang, may asawa at residente ng Brgy. Lapaz, Cabatuan, Isabela. Habang ang biktima ay mismong amo nito na si Julie Ann Guinto, 40 yrs old, walang asawa, na residente rin ng Brgy. Minante Uno, Cauayan City.
Sa nakuha nating impormasyon sa PNP Cauayan, nakatanggap ng tawag ang himpilan ng pulisya mula sa biktima at siya ay humingi ng tulong kaugnay sa nawawala nitong relo na nagkakahalaga ng 20,000 pesos o dalawampung libong piso na kung saan ay pinaghihinalaan nito ang kanyang katulong na kumuha ng kanyang mamahaling relo.
Agad namang nagtungo ang kapulisan sa bahay ng biktima para beripikahin ang natanggap na impormasyon.
Nang makarating sa lugar ang mga pulis ay nakiusap ang biktima sa suspek na halughugin ang kanyang kwarto at tignan ang kanyang mga gamit at pumayag naman ang suspek.
Habang isinasagawa ang paghahalughog ay narekober ng mga otoridad ang nawawalang relo ng biktima kasama ang kanyang booklet na nakalagay sa loob ng isang red at black bag partikular sa higaan ng suspek.
Dito na tuluyang inaresto ang suspek at dinala sa Cauayan District Hospital para sa medical examination bago dinala sa himpilan ng pulisya para naman sa booking procedure.
Samantala, sinikap nating kapanayamin ang suspek kaugnay dito sa kanyang kasong kinasasangkutan subalit hindi siya nagbigay ng kanyang mensahe o pahayag sa ating ang ginawang pakikipag-usap.
Sa ngayon ay nasa lock up cell pa rin ng PNP ang nasabing katiwala ng biktima at anumang oras ngayong umaga ay kakasuhan na siya ng Qualified Theft.