NABABAHALA | GM Jun Magno, inirereklamo ng mismanagement ng PNR

Manila, Philippines – Nakababahala ang ipinaabot na mensahe ng mga kawani ng Philippine National Railways (PNR) dahil nalalagay umano sa panganib ang buhay ng may 75,000 mga pasahero ng PNR sanhi umano ng korapsyon na umiiral sa pangangasiwa nito.

Ihinayag ng Bagong Kapisanan ng mga Manggagawa sa PNR president Edgar Bilayon ang nakakaawang kalagayan ng mga manggagawa sa PNR para manawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte na alisin ang kanilang General Manager na si Jun Magno Bunga na may bahid umano ng katiwalian.

Ipinananawagan ni Bilayon ang pagpapatupad ng isang resolusyon ng PNR Special Investigating Committee na nag­rekomenda ng agarang pagpapasibak din sa Chief Corporate Counsel ng PNR na si Atty. Celeste Lauta dahil nabigo itong aksyunan ang kawalan ng diesel fuel ng mga bagon na siyang direktang dahilan ng pagkakadiskaril ng operasyon ng PNR.


Ipinunto pa ni Bilayon na simula noong Setyembre, halos usad pagong ang mga bagon makaraang upuan ng mga namamahala ang panawagan ng mga empleyado na siguraduhin ang suplay ng diesel fuel, gayundin ng pagsasagawa ng maintenance sa mga bagon.

Kinuwestyon din nito ang espesyal na relasyon ni Magno kay Atty. Lauta na legal counsel ng Liberal Party (LP) sa Kabikulan.

Ayon kay Bilayon, ipinagkatiwala ni Magno kay Lauta ang halos lahat ng mahahalagang posisyon sa PNR, na siya namang dahilan kung bakit nagkakagulo umano ang pagpapatakbo ng ahensya.

Nagsampa ng administrative complaint sina Bilayon kasama ang bise presidente ng unyon na si Jose Antonio Laurena noong Hulyo 21, 2017 makaraang mapag-alaman nila ang suspensyon na iginawad kay Lauta ng Kataas-Taasang Hukuman.

Nagbuo ang PNR board ng Special Investigating Committee upang dinggin ang kaso laban kay Lauta.

Noong Nobyembre 29, 2017, nagbaba ng resolusyon ang komite ng pagpapasibak kay Lauta kung saan ipinagtibay ang resolusyon noong Disyembre 5 ng taon ding iyon.

Subalit kahit may termination letter na mula sa PNR Board si Lauta noon pang Nobyembre 29, 2017, nananatili pa rin ang kinasuhang opisyal sa nasabing ahensya.

Ibinunyag ni Bilayon na hindi inaaksiyunan ni GM Magno ang terminasyon sa serbisyo ni Lauta at ibinigay pa ni Magno kay Lauta ang mga posisyon bilang OIC ng Legal Division, Division Manager ng Corporate Planning Division na para lamang sa isang PNR Administrator.

Facebook Comments