NABABAHALA | Pagtatanggol ng Palasyo sa paghalik ni PRRD, posibleng ikapahamak ng mga OFW

Manila, Philippines – Nababahala si Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na humantong sa maraming kaso ng pang-aabuso sa mga Pinay OFWs ang pahayag ng Malacañang na tanggap sa kultura nating mga Pilipino ang paghalik na ginawa ni Pangulong Duterte sa isang Pinay na may asawa sa South Korea.

Ayon kay Biazon, maaaring malagay sa alanganing sitwasyon ang mga Pinay OFWs dahil lamang sa pahayag na ito.

Aniya, ang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque ay posibleng magbigay ng lakas ng loob sa mga dayuhang amo na samantalahin at abusuhin ang ating mga kababaihang nagtatrabaho sa abroad.


Hindi naman nagustuhan ni Gabriela Rep. Arlene Brosas ang ginawang depensa ng palasyo sa ginawang paghalik ng Pangulo.

Giit ni Brosas, ang pagpapa-akyat sa stage ng isang babae at paghalik dito para aliwin ang publiko ay hindi bahagi ng kultura ng mga Pilipino.

Sinabi ni Brosas na ginagamit lamang ng Pangulo ang mga kababaihan para sa libangan upang pagtakpan ang kapalpakan ng pamahalaan na iangat ang estado ng mga kababaihan at mga migrant workers.

Facebook Comments