NABAHALA | Mga insidente ng pagsabog sa Mindanao, ikinabahala ni Sen. De Lima

Nagpahayag ng pagkabahala si Senadora Leila De Lima na kahit may umiiral na Martial law sa buong Mindanao ay patuloy ang mga insidente ng pagsabog ng Improvised Explosive Devices o IEDs sa rehiyon.

Bunsod nito ay nanawagan si De Lima sa pwersa ng pamahalaan na pag-ibayunin ang mga hakbang para mapigilan ang mga pag-atake na naglalayong maghatid ng pinsala sa mga otoridad at sa mamamayan.

Sa tingin ni Senadora De Lima, kulang pa ang security measures na ipinapatupad sa buong Mindanao kahit nasa ilalim ito ng batas-militar kaya nakakalusot pa rin ang ISIS-trained bomb-makers.


Giit ni De Lima, kailangang mapigilan ang presensya ng foreign fighters sa Mindanao na patuloy na nagre-recruit ng mga bagong kasapi at nagtuturo ng paggawa ng bomba.

Babala ni De Lima, kung walang magagawa dito ang pwersa ng gobyerno ay posibleng kumalat sa iba pang panig ng Mindanao ang paghahasik ng terorismo na ikinasa noon sa lungsod ng Marawi.

Facebook Comments