Manila, Philippines – Nababahala ang Volunteers Against Crime and Corruption sa mga nangyayaring sunod sunod na patayan sa bansa kaya panawagan nila dapat muling ipatutupad ang death penalty.
Sa ginanap na presscon sa Manila , iginiit ni VACC Vice Chairman at Spokesperson Boy Evangelista na ang death penalty ay mainam na tugon laban sa pagtaas ng krimen.
Paliwanag ni Evangelista gagamitin lamang naman ang death penalty laban sa mga kriminal at hindi sa mga mamamayan na sumusunod sa batas.
Dagdag pa nito na ang argumento na ang death penalty ay anti-poor ay walang basehan dahil ang mga mahihirap na akusado ay bibigyan naman ng abugado mula sa Public Attorneys Office .
Sinabi naman ni VACC President Cory Quirino na nais nilang maipatupad ang death penalty laban sa mga nakagawa ng karumal dumal na krimen gaya ng murder, rape at kidnapping.
Dahil dito, nananawagan umano sila kina Pangulong Duterte at sa Kongreso para sa pagpapatupad muli ng death penalty.
Ginawa ng VACC ang panawagan sa harap ng high-profile killings kabilang na ang pagpatay kina Fr. Mark Ventura at Deputy City Prosecutor Rogelio Velasco.