Umabot na sa mahigit isang milyon ang nabakunahan laban sa COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, umabot na sa 1,007,356 (million) indibidwal ang tumanggap ng unang dose ng bakuna habang 132,288 naman ang nakumpleto na ang ikalawang dose ng bakuna.
Sa mga nabakunahan, 965,169 dito ay mga health worker.
Ang mga nabigyan naman ng bakuna sa National Capital Region (NCR) ay nasa 280,569.
Pinakamalaki aniyang nabigyan ng bakuna ay ang Manila, Quezon City, Caloocan, Pasig, Taguig, Marikina, Mandaluyong, Muntinlupa at Makati City.
“So importanteng achievement po ito dahil lumampas na po tayo ng one million na nabakunahan. Now, makikita po natin kung saan po na-administer ito ‘no: Sa mga A1 health frontliners – 965,169; ang first dose po ay 848,986; ang second dose ay 116,183. Makikita ninyo po na karamihan po sa ay nabakunahan po sa NCR, sumunod po ang Central Luzon Region, ang CALABARZON, ang Central Visayas Region, ang Davao Region, ang SOCCSKSARGEN Region, ang Ilocos Region, ang Northern Mindanao Region, at ang Western Visayas Region,” ani Roque.
Matatandaang target ng gobyerno na mabakunahan ang 70 milyong indibidwal o two-thirds ng populasyon ngayong taon para makamit ang “herd immunity”.