Cauayan City, Isabela- Itinuturing ngayong bayani ang isang healthcare frontliner na kabilang sa mga binakuhanan ng Sinovac vaccine sa bayan ng San Mateo, Isabela na binawian ng buhay kahapon (March 25, 2021).
Sa ekslusibong panayam ng iFM Cauayan kay Mayor Gregorio Pua, isa si Elvira Estera, midwife ng naturang bayan sa mga unang nakatanggap ng bakuna.
Ayon pa kay Mayor Pua, napag-alaman na dati nang may sakit na Diabetis at Altapresyon ang ginang.
Matapos ang unang dose ng bakuna sumailalim naman ito sa swab test at lumabas na positibo sa COVID-19.
Hindi rin direktang inamin ng alkalde kung may kinalaman ang naiturok na bakuna sa pagkamatay ng healthcare frontliner.
Samantala, ipinapasakamay na ng punong-bayan sa Department of Health (DOH) ang kapangyarihang magsagawa ng masusing inquiry para sa tunay na dahilan ng pagkamatay ni Estera.
Nanawagan pa si Pua sa kanilang mga kababayan na sana ay seryosohin ang ipinapatupad na lockdown sa kanilang bayan dahil seryoso ang LGU San Mateo sa pagtugon sa COVID 19.
Dagdag pa niya na maaaring magtext o tumawag sa kanya kung wala pang nakatanggap ng food packs at vitamins upang maaksyunan ito kaagad.
Ayon kay Dra. Arlene Lazaro, vaccine czar ng Isabela, maglalabas sila ng pahayag hinggil sa naturang insidente.
Facebook Comments