Sasampahan na ngayong araw ang isang mister ng kasong may kinalaman sa paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang ang dalawang menor de edad ay isasailalim sa counselling ng Department of Social Worker and Development o DSWD matapos na masamsaman ng umaabot sa P3-Milyong halaga ng marijuana oil sa ikinasang Anti-illegal buy bust operation ng mga otoridad sa Tabuk City, Kalinga.
Sa ipinarating na impormasyon ni P/Maj. Richard Gadingan, Public Information Officer ng Kalinga Police Provincial Office(KPPO), umaabot sa 25 bote na naglalaman ng marijuana oil ang kanilang nakuha sa suspek na si Rogelio Paut, 42-anyos ng Brgy, Bugnay, Tinglayan kasama ang dalawang menor de edad na kapwa high school student.
Napag-alaman ng 98.5 iFM Cauayan na ang naturang marijuana oil ay nakatakdang ibebenta sana sa mga malalaking Lungsod sa bansa maging sa Lalawigan ng Isabela dahil may mga ilang personalidad umano ang nag-aalok na pwede umano itong panggamot sa anumang uri ng sakit sa katawan.
Bukod sa 25 botelya ng marijuana oil ay nasamsam din sa pag-iingat ni Paut ang isang Calibre 45, motorsiklo at marked money.
Pangunahing target sa operasyon si Paut kung kaya’t maaring ginamit lamang umano ang dalawang menor de edad para sa kanyang pagbebenta ng iligal na droga.