Nadine Lustre, nagsalita na sa pag-backout sa Miracle in Cell No. 7

File photo

Nagsalita na si Nadine Lustre ukol sa pag-back out sa remake ng Miracle in Cell No. 7 na kasali sa entry ng Metro Manila Film Festival 2019.

Nitong Hulyo 19, ipinahayag sa publiko na si Bela Padilla ang gaganap sa Filipino adaptation ng hit Korean movie.

Paliwanag ni Nadine, pangatlong pelikula na niya ito ngayong taon at kailangan niya magpahinga. Una niyang ginawa ang Ulan, kasama si Carlo Aquino nitong Marso at Indak kung saan kasama niya si Sam Concepcion na ipapalabas ngayong Agosto.


“Pang-third movie ko na po kasi this year ‘yun if ever, so I realy felt that I needed a break,” ani Nadine.

“Mahirap din po na gumawa ng pelikula kasi other than shooting, meron pang promotions. So since it’s an MMFF Film, parang naisip ko na baka maging masyado ng hectic yung schedule,” dagdag niya.

“Mahihirapan din po ako na, at the end of the day, ayaw ko naman pong parang umayaw, dahil pagod at burnout ako,” aniya.

Humingi naman ng paumanhin si Nadine sa pag-withdraw ng proyekto at sinabing uunahin niya ang kaniyang sarili at kalusugan.

“It’s a good project but to say na wala nang darating na magandang project in the future… para sa akin uunahin ko lang ang sarili ko and health ko,” pahayag ni Nadine.

Pinahayag din ni Nadine na masaya siyang si Bela Padilla ang papalit sa kaniya na gumanap sa karakter.

“I’m really happy kasi Bela is a good actress, she’s also a good writer and she takes what she does seriously and she loves it and it shows naman po,” aniya.

Ang Miracle in Cell No.7 ay inilabas noong 2013 sa South Korea na kwento ng isang ama na mentally challenged na nakulong sa kasalanang hindi niya ginawa. Pinapakita rin dito ang “justice system” na umiiral sa bansa. Kumita ito sa takilya ng $80.3 million o P1.5 billion at humakot ng awards.

Facebook Comments