Cauayan City, Isabela- Hindi makakaapekto sa nalalapit na pagdedeklara bilang drug cleared municipality ang bayan ng Quezon, Isabela sa kabila nang nadiskubreng taniman ng marijuana sa bulubunduking bahagi ng naturang bayan.
Ito ang sinabi ni PCapt Rouel Meña, hepe ng PNP Quezon sa naging panayam ng 98.5 IFM Cauayan sa kanya.
Aniya, mula sa labing lima (15) na barangay ng Quezon ay tatlong (3) barangay na lamang ang pinag-aaralan ngayon ng PDEA para tuluyan na itong maideklara na drug cleared municipality.
Nauna nang nalinis sa droga ang sampung (10) mga bayan habang dalawa (2) naman ang drug free barangay gaya ng Mangga at Callangigan.
Inaasahan aniya ang deklarasyon ng PDEA sa katapusan ng kasalukuyang buwan o unang Linggo ng Hulyo ng taong 2020.
Ayon pa sa Hepe, walang epekto sa kanilang deklarasyon ang pagkakadiskubre sa taniman ng marijuana dahil hindi naman aniya taga Quezon ang suspek na may-ari sa plantasyon.
Magugunitang sinalakay ng mga otoridad ang naturang plantasyon sa Sitio Dat-Ayan, Brgy Minagbag, Quezon, Isabela na may lawak na humigit kumulang 7,000 square meters na kung saan ay nabunot ng mga operatiba ang dalawamput isa (21) na puno ng tanim na marijuana.
Inamin din ng Hepe na mayroon talagang taniman ng marijuana sa nasasakupan nito at mayroon na rin minamanmanang lugar na maaaring taniman din ng ipinagbabawal na gamot.
Pinasalamatan naman nito ang kanyang mga kababayan dahil sa pakikipagtulungan sa mga pulis upang masawata at mapigilan ang mga nagbabalak na magtanim ng marijuana sa kanilang nasasakupan.