Bicol – Nilinaw ni Overall Coordinator for Govt. Project Francis Tolentino na inatasan siya ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang Crisis Management para tumulong sa mga biktima ng nag-aalburutong bulkang Mayon sa Bicol Region.
Sa ginanap na Forum sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Tolentino na wala ni isa mang sentimo na hahawakan siya dahil direkta ito sa mga naapektuhan ng nag-aalburutong bulkang Mayon.
Katunayan aniya, ang 20 milyong pisong donasyon ng gobyerno ay idiniretso agad sa mga naapektuhan na mga kababayan natin sa Bicol Region.
Ayon kay Tolentino, tiwala umano sa kanya ang Pangulo dahil pareho silang naging Mayor at alam nila kung ano ang problema ng mga maliliit nating mga kababayan kaya’t magtatayo siya ng opisina sa Bicol Region para matutukan ng husto ang mga biktima ng nag-aalburutong bulkang Mayon.
Paliwanag ni Tolentino, tutukan nito ang problema sa kalusugan, palikuran, silid aralan at pagkain ng mga nabiktima ng nag-aalburutong bulkang Mayon.