Albay, Philippines – Umakyat na sa mahigit labing apat na libong pamilya ang naapektuhan ngayon ng pag-aalburuto ng bulkang Mayon sa Albay.
Batay sa huling monitoring ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga pamilyang ito ay mula sa Camalig, Guinobatan, Ligao City, Daraga, Tabaco City, Malilipot, Santo Domingo at Legazpi City sa lalawigan ng Albay.
Ang mga ito ay nanatili ngayon sa 59 na evacuation centers habang mahigit isang libong pamilya ang nakikitira ngayon sa kanilang mga kamag anak matapos ring lumikas dahil sa nakakaalarmang aktibidad ng bulkang Mayon.
Umabot na rin ngayon sa mahigit 28 million pesos na halaga ng mga food at nonfood items na naipamahagi sa mga pamilyang apektado.
Ang tulong na ito ay mula sa DSWD, DOH at Office of Civil Defense.
Nanatili namang naka-red alert ang NDRRMC upang mahigpit na ma-monitor ang sitwasyon ng mga taga-Albay.