NAG-AALBURUTONG MAYON | Ilang balon sa Albay, natutuyuan na; Suplay ng malinis na tubig, tiniyak ng Philippine Red Cross

Albay, Philippines – Posibleng abutin pa ng tatlo hanggang apat na buwan ang pag-alburuto ng bulkan Mayon sa Albay.

Pero, ngayon pa lang ay problemado na ang lokal na pamahalaan ng Albay dahil nagsisimula nang matuyuan ang ilan balon sa probinsya partikular sa bayan ng Sto. Domingo.

Natutuyo kasi ang mga balon sa lugar dahil umaakyat ang magma sa bunganga ng mayon at nagkakaroon na ng ground deformation.


Ayon kay Sto. Domingo Mayor Herbie Aguas, sa ngayon ay kinakapos na ng suplay ng tubig ang mga evacuation centers sa kanila pero nananatili naman umano itong manageable.

Sa interview ng RMN, inihayag ni Philippine Red Cross Chairman Senator Richard Gordon na nagpadala na sila ng tatlong tangke ng tubig na may 10,000 litro ang laman.

Tiniyak din ni Gordon na mayroon silang pagkukunan ng sapat na suplay ng tubig upang hindi kapusin ang mga residente.

Bukod sa tubig, nagbigay na rin ng ayuda ang Philippine Red Cross sa mga nasa evacuation center.

Facebook Comments