Manila, Philippines – Tiniyak ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na sapat ang pagkain at supply ng mga pamilya naapektuhan ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon kahit pa abutin ng tatlong buwan ang mga ito sa mga evacuation centers.
Ginawa ng NDRRMC ang pagtiyak matapos ang naging pahayag ni Albay Governor Al Francis Bichara na kukulangin na ang kanilang pondo para ayuda sa mga naapektuhang pamilya.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Romina Marasigan ang regional office ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nangunguna ngayon sa pamimigay ng food at nonfood items sa mga apektadong pamilya.
Sa ngayon sinabi pa ni Marasigan, mayroon ng P26, 876, 000 na halaga ng mga food at non-food items ang naibigay sa mga apektadong pamilya.
Ang tulong ay mula DSWD, Department of Health, Local Government Unit at Non-Government Organization (NGO).
Paliwanag pa ni Marasigan, mayroon pang naka-prepositioned na mga supply sa regional office ng DSWD sa Region 5 habang patuloy na nagpapadala ng supply ang higher office ng DSWD upang matiyak na hindi kukulangin ng pagkain at supply ang mga apektadong pamilya dahil sa nag-aalburutong Bulkang Mayon.
Sa ngayon nasa siyam na libong pamilya na ang naapektuhan ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon, ang mga ito ay nanatili ngayon sa 29 evacuation centers at sa bahay ng kanilang mga kamag-anak.