MANILA, Philippines — Patay ang isang basurero matapos hatawin ng kahoy ng kapwa basurero na nakaagawan umano sa puwesto sa bangketa sa Quezon City, Linggo ng madaling araw.
Inilarawan ang hindi pa nakikilalang biktima na nasa edad 30-35, may taas na 5’4″, nakasuot ng pulang T-shirt at puruntong shorts na asul.
Naaresto naman ng mga tanod ng Barangay Batasan Hills ang suspek na si Henrico Nunez, 37, na dinala sa Batasan Police Station 6 upang sampahan ng kaso.
Batay sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), alas-3 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa harap ng Intermitas Columbario sa Commonwealth Avenue.
Ayon sa salaysay ng saksi na si Harold Rino, security guard sa nasabing lugar, nagbabantay siya sa kanyang puwesto nang marinig ang biktima at suspek na nagtatalo sa puwestong matutulugan.
Nang lapitan ng sekyu, nakita niya na lamang daw si Nunez na may hawak nang kahoy at pinagpapalo ang biktima hanggang madapa.
Nakabangon at nakatakbo pa ang biktima, ngunit naabutan pa rin ng suspek na itinuloy ang paghataw ng kahoy hanggang ikamatay ng kapwa basurero ang tinamong tama sa ulo at katawan.