NAG-LEAK | Piskal, pina-iinhibit matapos mag-leak ang resolusyon sa kaso ni Japanese businessman Kazuo Okada

Manila, Philippines – Matapos mag-leak ang kopya ng resolusyon, pinangangambahang maharap sa reklamong administratibo at kriminal si Parañaque City Prosecutor Amerhassan Paudac.

Si Paudac ay inaakusahan ng bias at gross impartiality ng Tiger Resort Leisure and Entertainment Incorporated, ang may-ari ng Okada Manila Casino Resort and Hotel.

Ito ay dahil sa lumabas na kopya ng resolusyon ng Paranaque Prosecutors Office na nagbabasura sa dalawang reklamo ng estafa na inihain ng Tiger Resort laban kay Japanese gaming tycoon Kazuo Okada.


Ang kopya ng resolusyon ay lumabas sa social media account ng isang taong hindi partido sa kaso, gayong ang mismong Tiger Resort na naghain ng reklamo at ilang beses nang nagtanong kaugnay sa estado ng kaso ay hindi pa nabibigyan ng kopya.

Ayon kay Atty. Alfredo Malvar, abogado ng Tiger Leisure, naghain na sila ng urgent motion para sa pag-iinhibit ni Paudac sa kaso.

Si Okada ay nahaharap sa multiple counts of estafa dahil sa paglustay sa mahigit $10 million na pondong pag-aari ng Tiger Resort Leisure & Entertainment Incorporated sa pagitan ng 2016 at June 2017.

Facebook Comments