Manila, Philippines – Humingi ng paumanhin si Interior and Local Government Undersecretary Martin Diño sa mga Kongresista na tinamaan sa naging pahayag nito na umano ay nakialam ang mga ito sa nakalipas na Barangay at SK Elections.
Sa isang Forum sa QC sinabi ni Diño na patawarin siya sakaling nakasakit man siya ng damdamin ng mga mambabatas.
Sagot ito ni Diño matapos siyang hamunin ni Deputy Speaker Raneo Abu na maglabas ito ng ebidensya sa seryoso nitong paratang.
Umalma si Congressman Abu sa pamamagitan ng Privilege Speech sa kamara at hinamon nito si Diño na pangalanan ang 100 o one-third ng halos 300 mga kongresista na umano ay namili ng boto.
Sabi ni Diño, hindi complaints ang kanyang pinanghahawakan kundi report na ipinarating sa kanya ng mga concerned Citizen sa iba’t-ibang rehiyon sa bansa.
Para matuldukan na ito ani Diño, gumanti ito ng hamon sa mga Congressmen na magpasa na ng isang batas na tuluyang magbabawal sa nakaugaliang paghingi ng pabor sa mas matataas na pulitiko sa bansa.