Nag-viral na larawan ng aktor na naka-PNP uniform at ineendorso ang isang kandidato, pinatatangal ng PNP sa Facebook

Itinanggi ng Philippine National Police (PNP) na may kinalaman sila sa kumakalat sa social media na larawan ng aktor na si Marc Manicad na naka-suot ng uniporme ng pulis at sumusuporta sa isang political candidate.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Brig. Gen. Roderick Augustus Alba, ang nasabing larawan ay “misrepresentation” sa PNP para magamit sa pulitika at propaganda.

Kailangang aniyang tanggalin agad sa Facebook ng may-ari nito ang larawan at mag-isyu ng public apology sa PNP dahil sa maling impresyon na binibigay nito sa publiko.


Babala ni Alba, hindi nila palalampasin ang ganitong gawain at mananagot ang sinumang responsable dito at maging sinuman na magtangkang sirain ang reputasyon ng PNP ngayong eleksyon.

Dagdag pa ni Alba, hindi gawain ng PNP na mag-isyu ng mga political statements o makihalo sa kampanya ng mga kandidato sa eleksyon.

Giit ni Alba, mananatili ang PNP sa kanilang pagiging “non-partisan” at walang ineendorsong partido o kandidato sa halalan.

Facebook Comments