Patuloy sa pagiging alerto ang opisina ng Department of Agriculture hinggil sa Bird Flu Virus (BFV) dito sa Kabikolan. Ito ay upang matiyak na hindi makakarating sa Region 5 ang kinatatakutang virus na sumalanta sa mga probinsiya ng Pampanga at Nueva Ecija.
Patuloy din ang koordinasyon ng mga Local Government Units sa tanggapan ng DA. Sa lungsod ng Naga, ipinahayag ni Councilor Jun Lavadia, Chairperson-Committee on Agriculture, na patuloy ang paniniwala ng mga opisyal ng lungsod at pagsisikap ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na harinawana’y hindi makakapasok sa rehiyon ang nasabing virus na una ng naging sanhi ng pagkakalipol ng libu-libong mga produkto ng mga poultry farms at pagkakalugi ng negosyo sa mga nababanggit na probinsiya.
Ayon sa pahayag ni Lavadia, regular ang kanilang pakikipag-ugnayan sa tanggapan ng DA upang matiyak na hindi makakalusot dito sa Kabikolan lalo na sa Naga City ang pinangangambahang bird flu virus.
Samantala, hindi naman apektado ang bilihan ng mga karneng manok sa mga merkado dito particular na sa Naga City. Ilang mga nagbebenta rin ang nagpahayag na kahit papaano, may ilang mamimili rin na kinakikitaan nila ng pag-alinlangan sanhi na nga ng pumutok na balita tungkol sa vird flu virus sa ibang probinsiya. Mabilis naman sila sa pagpapaliwanag at pagpapaunawa na ligtas kainin ang mga lutong poultry farm products dito sa rehiyon.
Naga City, mga Karatig Bayan, Alerto pa rin Laban sa BFV
Facebook Comments