Nagbabala ang Presidential Communication Office (PCO) sa publiko laban sa isang audio deepfake ni Pangulong Bongbong Marcos

Kasunod ito ng kumakalat na video content sa isang video streaming platform kung saan inuutusan umano ng pangulo ang Armed Forces of the Philippines na kumilos laban sa ibang bansa.

Sa isang statement, nilinaw ng PCO na wala at hindi kailanman nagkaroon ng ganoong direktiba ang pangulo.

Nakikipag-ugnayan na ang Malacañang sa Department of Information and Communications Technology, National Security Council at sa National Cybersecurity Inter-Agency Committee upang aksyunan ang pagkalat at malisyosong paggamit ng video at audio deepfakes.


Nanawagan din ang pamahalaan sa publiko na labanan ang fake news at maging matalino at responsable sa pagpapakalat ng mga content sa social media.

Ang deepfake ay isang makabagong paraan ng digital content manipulation gamit ang generative Artificial Intelligence o A.I.

Facebook Comments