NAGBABALA | Cover up sa Sagay massacre, pinangangambahan ng ilang kongresista

Nagbabala si Anakpawis Partylist Rep. Ariel Casilao sa posibleng cover-up na gawin ng PNP sa Sagay 9 Massacre sa Negros Occidental.

Ayon kay Casilao marami nang naunang naitalang pagpatay sa mga magsasaka sa Sagay City na hindi naman inaksyunan ng PNP.

Isa na rito ang pagpatay sa farm worker activist na si Flora Jemola, lider ng local chapter ng National Federation of Sugar Workers (NFSW), na pinatay sa pananaksak noong December 2017 habang pinagbabaril naman ang magsasaka na si Ronald Manlanat sa Hacienda Joefred.


Posible aniyang gawin din ang cover-up o hayaan na lamang na mamatay ang isyu sa Sagay 9 Massacre lalo pa at NPA ang itinuturong may gawa ng karumal-dumal na krimen gayong ang mga armed groups na posibleng may gawa nito ay hindi man lang napaghihinalaan.

Hinikayat ni Casilao ang iba’t-ibang sektor na tutukan ang Sagay 9 massacre upang lumabas ang katotohanan sa nangyaring krimen.

Nangako din ang mambabatas na maghahain ng resolusyon para paimbestigahan ang mga naunang kaso ng pagpatay sa mga aktibista at magsasaka sa Sagay City.

Facebook Comments