Manila, Philippines – Bukod sa TRAIN law, umaaray na rin ang ilang negosyante dahil sa dami ng holidays sa bansa.
Ayon sa business process outsourcing industry, tinatayang nasa P750 milyon ang dagdag na gastos ng industriya sa bawat araw na ginagawang holiday.
Lumolobo umano ang gastos sa pasuweldo sa mga taong papasok kapag pista opisyal.
Nagbabala naman ang factory industry na kung patuloy na tataas ang gastos ng kanilang negosyo, mapipilitan din silang magtaas ng presyo ng kanilang produkto.
Maaari ring piliin niyang gawing automated o robot na lang ang magpapatakbo ng operasyon ng pagawaan para wala nang holiday pay na kailangang bayaran sa manggagawa.
Base sa datos ng labor department, mula 2010 hanggang 2016, hindi bababa sa 21 days ang regular at special non-working holidays sa Pilipinas kada taon, mas malaki kaysa sa iba pang karatig na bansa sa Asya.
Kung pagbabasehan ang dami ng regular holidays, pumapangalawa ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamaraming holiday sa bilang na 17.
Nabatid na pinag-aaralan pa ngayon ng mga mambabatas ang pagdedeklara ng holiday tuwing Hulyo 27 para gunitain ang anibersaryo ng Iglesia ni Cristo.
Nito lang Disyembre, naisabatas ang pagtatakda bilang national holiday ng December 8 na Feast of the Immaculate Conception of Mary.