Pinangangambahan ni Caloocan City Representative Edgar Erice ang nakaambang na krisis sa construction industry sa bansa kasunod ng utos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nagpapatigil sa quarrying.
Ayon kay Erice, naging triple ang presyo ng buhangin at graba mula sa P600 per cubic ay tumaas ito sa P1500.
Ang pagpapasara sa mga quarrying ang naging dahilan kaya maraming drivers at pahinante ang nawalan ng trabaho.
Marami aniyang quarry sites ang ipinasara kabilang dito ang Pangasinan, Zambales, Bataan at Quezon.
Umapela si Erice sa DENR na piliin ang pagbabawal sa quarrying at huwag isama dito ang graba at bato na pangunahing materyal sa pagpapagawa ng imprastraktura.
Pinayuhan ni Erice ang Duterte Administration na agad aksyunan ang problemang ito dahil tiyak na maaapektuhan dito ang Build Build Build Program ng Duterte Administration.