Manila, Philippines – Posibleng magdulot ng pagtaas sa matrikula at iba pang bayarin sa eskwelahan ang isinusulong na ikalawang package ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN 2.
Ayon kay Senator Bam Aquino, nakapaloob sa TRAIN 2 ang pagtanggal sa sampung porsyentong preferential tax rate para sa pribadong non-profit schools.
Sa ngayon, ang mga pribadong non-profit proprietary educational institutions ay nakakatanggap ng preferential 10-percent income tax rate, kasama ang non-profit hospitals, offshore banking units at regional operating headquarters.
Ngunit ayon kay Aquino, sa ilalim ng panukalang TRAIN 2, ang nasabing mga institusyon ay maaaring buwisan ng hanggang 25%, na doble sa sinisingil sa kasalukuyan.
Paliwanag ni Aquino, kapag ito ay nangyari ay mababawasan ang pondo ng nabanggit na mga institusyon kaya magtataas din sila ng presyo ng kanilang serbisyo na tiyak makakaapekto sa publiko.