Manila, Philippines – Nagbabala si Magdalo Representative Gary Alejano na posibleng sampahan ng panibagong impeachment si Pangulong Duterte kung tatanggapin nito ang intelligence report ng ibang bansa.
Ito ay kaugnay sa pag-amin kahapon ni Pangulong Duterte na may intel report mula sa ibang bansa na nakipagsabwatan ni Senator Antonio Trillanes IV sa mga makakaliwa para pabagsakin si Pangulong Duterte.
Ayon kay Alejano, posibleng maharap si Pangulong Duterte sa panibagong impeachment kung tatanggapin nito ang intel report na walang maipakitang ebidensya.
Maliwanag aniyang panghihimasok sa seguridad ng bansa ang intelligence report na natanggap ng Pangulo.
Sinabi nito na may paglabag sa anti-wire tapping law ng Pilipinas sakaling totoo man ang pinalulutang ni Pangulong Duterte na may natanggap siyang intelligence report dahil panghihimasok na ito sa seguridad ng bansa.
Gayunman, nanindigan si Alejano na hindi gagawin nina Trillanes ang akusasyon ni Pangulong Duterte sapagkat pinapangahalagahan nila ang saligang batas.
Hinamon naman ng kongresista ang punong ehekutibo na isapubliko ang mga patunay nito patungkol sa kanyang alegasyon upang maipakita rin sa taumbayan na hindi lamang ito basta kuwentong barbero lang.