Manila, Philippines – Posible pang pumalo sa 9% ang inflation rate sa Disyembre.
Ito ang babala ng ekonomistang si 1-PACMAN Partylist Representative Mikee Romero kung hindi pa pwersahang manghihimasok ang gobyerno para bigyang solusyon ang mga dahilan ng pagtaas ng inflation.
Babala ni Romero, kung patuloy na mataas ang presyo ng bilihin, pagbaba ng halaga ng piso, pagtaas ng presyo ng krudo at mataas na paggastos ng mga consumers ngayong papalapit na holiday, asahan na sa Disyembre ay umabot sa 8 hanggang 9 na porsyento ang itataas ng inflation.
Kailangan na aniyang gumawa ng paraan ang pamahalaan na padamihin ang suplay sa mga basic commodities ngayong inaasahan na tataas ang demand sa mga consumers.
Dapat na rin aniyang magpatupad ng foreign exchange adjustment para kontrahin ang pagbaba ng piso na epekto ng mataas na presyo ng langis.
Pinakikilos din ni Romero ang National Food Authority (NFA) at Department of Trade and Industry (DTI) na alisin ang mga hindi kailangang regulasyon sa rice retail permits.