Manila, Philippines – Pinagbawalan umano ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang mga mahistrado ng Sandiganbayan at Court of Appeals na mag-courtesy call kay Pangulong Duterte matapos manalo sa 2016 Presidential Election.
Ayon kay SC Associate Justice Andres Reyes, noong siya pa ang presiding justice ng CA, napagkasunduan nila ng ilang mahistrado na magpadala ng sulat sa Malakanyang para makapag-courtesy call sa Pangulo.
Binigyan niya rin ng kopya ng liham si Sereno pero ipinatawag siya nito at kinumpronta tungkol sa letter sa Pangulo dahil nalalantad dito ang problema ng buong Hudikatura.
Binantaan pa aniya siya ni Sereno na katapusan na ito ng kanyang career at binalaan pa sila sa pagiging madaldal ng presidente at tiyak na wala na silang imik kapag nagsalita na ang Pangulo.
Dahil mataas na ang boses ni Sereno, makailang beses siyang humingi ng paumanhin dito.
Sa kabila ng pagkansela sa courtesy call, itinuloy pa rin ito ng ilang mahistrado para iprisenta na lamang sa Pangulo ang Commemorative Coin at Stamp para sa CA Anniversary.
Dagdag naman dito ni SC Associate Justice Teresita De Castro na binalak ni Sereno na parusahan ang CA Justices na nag-courtesy call sa Pangulo pero walang sumuporta dito na mga SC Justices.
Samantala, dumating na sa Sandiganbayan si dating Palawan Gov. Joel Reyes para sumuko kaugnay sa utos ng Sandiganbayan 3rd division na arestuhin sa kasong graft dahil sa maanomalyang renewal ng small scale mining business sa Palawan.
Ipinag-utos na ng Korte ang pagpapaaresto dito matapos katigan ang mosyon ng prosekusyon na si Reyes ay flight risk matapos na tumakas ito noon.