NAGBEBENTA NG PANANDALIANG ALIW | 13 mga babae, nailigtas ng QCPD

Quezon City – 13 kababaihang sinasabing nagbebenta ng panandaliang aliw ang sinagip ng QCPD Station 7 sa kahabaan ng Aurora Blvd, Quezon City.

Ayon kay Police Supt. Louise Tremor, hepe ng QCPD Station 7, nasa pagitan ng 22 hanggang 40 ang edad ng mga nasagip na kababaihan at kabilang dito ang isang dalawang buwang buntis.

Sinabi ni Tremor na sangkot ang mga ito sa ilang modus kabilang ang pagnanakaw sa kanilang mga sinasabing kliyente.


Nasagip din ang siyam na menor de edad na lumabag sa curfew at agad inimbitahan ang kanilang mga magulang sa istasyon.

Nasa 13 street dwellers naman ang nasagip kabilang si Jonalyn Mosquera na napilitan umanong manirahan sa kalsada kasama ang mga anak dahil pinalayas sila ng kanyang hipag nang pumanaw ang kanyang asawa.

Ayon sa social worker na si Belen Ocrisma, sasailalim sa counselling at itu-turnover sa DSWD ang mga nasagip.

Magkakaroon din ng kasunduan sa pagitan ng mga otoridad at mga naturang kababaihan, kabataan at street dwellers na nagsasaad na hindi na sila muling babalik sa kalsada.

Facebook Comments