Nag-apply ng legislative immunity ang nagbitiw na Anti-Fraud Legal Officer ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na si Atty. Thorsson Montes Keith.
Ito ay sa gitna ng kaniyang pagtestigo sa isinasagawang pagdinig ng Senado kaugnay sa umano’y anomalya sa ahensiya.
Sa isinumiteng sulat kay Senate President Vicente Sotto III, nakasaad na naghain ng aplikasyon si Keith kasama ng kaniyang mga testimonya at mga ebidensiyang ibinigay sa Senate Committee of the Whole.
Bukod dito, humiling din si Keith ng seguridad dahil sa mga natatanggap niyang banta kabilang na ang isang hindi pa nakikilalang indibidwal na nagtatanong ng kaniyang lokasyon malapit sa kaniyang pinagtataguan.
Matatandaang ibinunyag ni Keith ang umano’y mafiang nagpapatakbo sa PhilHealth kung saan aabot sa P15 bilyon na pondo ang ibinulsa sa pamamagitan ng mga fraudulent schemes.
Samantala, mariin namang itinanggi ng PhilHealth executives ang alegasyon na ito at sinabing maghahain sila ng libel complaint laban sa dating Anti-Fraud Legal Officer.