San Mariano, Isabela – Bagsak sa kulungan kahapon ang isang manggagawa matapos matiktikan at mahuli ng mga otoridad dahil sa pagdadala ng iligal na baril at bala sa Brgy. Zone 3, San Mariano Isabela.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Chief Inspector Fedimer Quitevis, hepe ng San Mariano Police Station, sinabi niya na tatlong linggo nang tinitiktikan ng kanyang pamunuan ang galaw ng suspek at kahapon lamang ito naaktuhan at nakorner sa isang bahay aliwan na kasama ang grupo nito.
Aniya hindi na nakapalag sa kamay ng mga pulis ang suspek na si Jomar Lorenzo Camayang, tatlumpu’t pitong taong gulang, may asawa at residente ng Sitio Udiao, San Mariano, Isabela.
Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang caliber 38 na nakasukbit sa kanyang bewang kasama ang tatlong bala ng 9mm pistol at limang bala na nasa caliber 38.
Ang kasong paglabag ng suspek sa RA 10591 ay inihahanda na para sa inquest proceedings.