Manila, Philippines – Nagdesisyon na ang Kamara na i-reprimand o pagsabihan na lamang at hindi na idaan sa Ethics Committee ang ginawang pag-kompronta ni ACTS-OFW Rep. Aniceto John Bertiz sa screening officer sa NAIA.
Nagmosyon si House Minority Leader Danilo Suarez na reprimand na lamang ang ipataw na parusa kay Bertiz.
Sa botong 159 Yes, 1 No at 3 Abstention ay kinatigan ng mga kongresista ang reprimand na parusa sa kongresista.
Samantala, muling humingi ng paumanhin si Bertiz sa kanyang ginawang privilege speech sa plenaryo.
Halos maiyak-iyak si Bertiz habang humihingi ng patawad para sa publiko, sa mga kasamahang mambabatas, kay NAIA Screening Officer Hamilton Abdul na kanyang nakabanggaan at sa pamilya nito.
Umapela din si Bertiz sa publiko na huwag idamay ang kanyang pamilya lalo na ang kanyang mga anak sa kanyang nagawang pagkakamali.
Nakatanggap umano ang kanyang mga anak na babae ng banta na iga-gang rape habang tinawag naman na adik ang kanyang anak na lalaki.
Aminado naman si Bertiz na hindi nararapat sa isang public official ang kanyang naging asal.