Manila, Philippines – Binigyang diin ni Special Assistant to the President ‘Bong’ Go na walang ibang hangad si Pangulong Rodrigo Duterte kundi ang kabutihan ng mga Pilipino.
Ayon kay Go, ‘pro-poor’ o kakampi ng mga mahihirap ang Pangulo halimbawa sa usapin ng agraryo kung saan nais nito na maramdaman ng mga magsasaka ang benepisyo ng land reform program ng gobyerno.
Ito ang nilalaman ng mensaheng ibinigay ng long-time aide ng Chief Executive nang dumalo ito kaninang umaga sa ika-30 taong anibersaryo ng CARP sa tanggapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Elliptical Road, Quezon City.
Nabanggit pa ni Secretary Go ang direktiba ng Palasyo na isailalim sa land reform ang Boracay Island na pakikinabangan ng mga katutubong magsasaka doon.
Sa ngayon aniya ay pinag-iisipan na ni Presidente Duterte na maglabas sa lalong madaling panahon ang isang executive order na magbibigay ng mas malawak na kapangyarihan sa DAR upang mapadali at maging epektibo ang dekada nang land reform sa bansa.
Sa huli, muling hinikayat ni SAP Go ang publiko na patibayin pa ang suporta sa liderato ni Pangulong Duterte lalo na ang three-point agenda ng administrasyon na anti-illegal drugs, anti-criminality at anti-corruption.