Manila, Philippines – Nagkaroon ng mga insidente ng skimming sa 7 Automated Teller Machine o ATM ng Banco De Oro o BDO kaya may mga kliyente ito na nawalan ng pera sa kanilang mga savings account.
Ito ang inihayag ni BDO Executive Vice President Edwin Romualdo Reyes sa isanagawang pagdinig ni Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies na pinamumunuan ni Senator Chiz Escudero.
Paliwanag ni Reyes, ang skimming ay ang hindi otorisadong pagkopya ng magnetic strip ng ATM cards habang nagsasagawa ito ng transaksyon sa machine.
Ang mga skimming device aniya na komokopya sa mga impormasyon sa ATM card pati ang pin numbers ay madaling ilagay at alisin sa mga atm machines at madalas ay hindi napapansin.
Nag-demo pa sa pagdinig si BDO senior Vice President Tomas Mendoza sa pagdinig kung paano ginagawa ang skimming.
Sa kabila nito ay tiniyak naman ng BDO sa kanilang mga kliyente na huwag magalala dahil handa ang BDO na ire-imburse ang mga nawalang pera ng kanilang mga kliyente dahil sa unauthorized withdrawal.
Hinihikayat ng BDO ang mga biktima na mag-file ng formal complaint.
Inihayag din ng BDO na nasa proseso na ito ng pagpapalit ng sistema sa kanilang ATM kung saan ginagawa na nilang EMV type ang mga ATM cards ng mga kliyente nila.
Sa paliwanag ng BDO, bawat EMV-type na ATM cards ay may kakaibang transaction kaya mahirap itong i-skim o kopyahin.