Handa na ang opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na si Linncon Ong na ikanta sa executive session ng Senado ang lahat ng naging transaksyon ng kompanya sa gobyerno.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na magsasagawa sila ng closed door hearing bilang tugon sa hiling ni Ong dahil may mga nais siyang sabihin na ayaw niyang isapubliko.
Kabilang dito ang naging papel ni dating Presidential Economic Adviser Michael Yang para makatugon ang Pharmally sa bilyun-bilyong pisong halaga ng kontrata na iginawad dito ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).
“Ang sabi niya, hindi siya makapagsalita sa public hearing dahil baka raw masira siya sa Chinese community na yung pinag-usapan nila na dapat sa kanila lamang e isisiwalat niya sa public, yun ang main reason niya kung bakit gusto niya ng executive session,” ani Lacson.
“Pangalawa, gusto niya masigurado yung mga numero na sasabihin niya kaya nagpapaalam siya kung pwede raw isang araw i-house arrest siya, kukunin niya lang ang kanyang mga dokumento. Hindi namin siya pinayagan, sabi namin, ‘hindi naman pupwede yung ganon, ipakuha niya na lang. Ang huling pagkakaalam ko, may nakuha na siyang dokumento, parang USB at yun ang pinag-aaralan ng Blue Ribbon ngayon,” dagdag niya.
Kaugnay nito, nagpasya si Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon na panatilihin si Ong sa kustodiya ng Senado sa halip na ilipat sa Pasay City Jail para matiyak ang kaligtasan nito sa sinumang nagbabalak na siya ay patahimikin.
Samantala, hanggang sa ngayon ay hindi pa nakokontak ng mga senador ang isa pang witness na si Krizle Grace Mago.
Ayon kay Lacson, kapag hindi sumipot sa susunod na pagdinig ng Senado ay posibleng siyang ipa-cite for contempt.
“Kung hindi siya sisipot sa sunod na pagdinig, e dati naman siyang andyan na, pwedeng pag-usapan ng komite na i-cite siya for contempt tapos susunod no’n, isyu ng warrant. Yun, pwede namin siyang kunin talaga non kasi may warrant of arrest. Pero yung kukunin mo on the basis of an approved motion na ilagay siya sa protective custody ng Senado, ewan ko kung anong magiging pwedeng basehan non sa batas,” paliwanag ni Lacson.