Umapela ang grupo ng Nagkaisa Labor Coalition sa pamunuan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na magsagawa ng biglaang inspeksyon sa tanggapan ng Foodpanda, isang food delivery app, na nagsagawa ng unity ride kamakailan upang hilingin sa ahensya na mabigyan ng hustisya ang kanilang mga hinaing.
Ayon kay Nagkaisa Labor Coalition Chairman Atty. Sonny Matula, sumulat na sila kay Labor Secretary Silvestre Bello III, upang mabigyan ng katugunan ang mga hinaing ng may 700 riders alinsunod na rin sa ilalim ng Article 128 of the Labor Code o PD 442, na may kaugnayan sa karapatan at kondisyon sa trabaho ng mga manggagawa.
Dagdag pa ni Atty. Matula, inirereklamo ng mga manggagawa ang pagbabago ng polisiya na negatibong naka-apekto sa kondisyon ng kanilang trabaho, bukod pa sa hindi malinaw ang pagbabayad sa mga empleyado sa pamamagitan ng tinatawag na ‘grades’ na walang maayos na patakaran.
Pinatatanggal din ng grupo ang tinatawag na “undispatch provision” at nanawagan sila na dapat na walang kinikilingan at patas ang pagpapatupad ng naturang polisiya.