Nagpahayag ng buong suporta ang grupong Nagkaisa Labor Coalition sa panawagan ng grupong Greenpeace para magdeklara ng climate emergency kasunod ng pananalasa ng dalawang halos magkasunod na Bagyong Quinta at Rolly.
Ayon kay Nagkaisa Labor Coalition Chairman Atty. Sonny Matula, pareho ang kanilang pananaw na ilagay sa climate crisis ang bansa, katulad ng pagtugon sa COVID-19.
Paliwanag ni Atty. Matula, lubhang naaapektuhan ang kanilang hanay sa hagupit ng magkasunod na bagyo at pandemya , maging ang kawalan ng trabaho ng mga manggagawa.
Dagdag pa ng abugado, ang kanilang grupo ay mayroong green and climate jobs agenda na nakatutok sa problema nang kawalan ng hanapbuhay at climate crises.
Sa katunayan, lahat ng kanilang mga panukala at rekomendasyon ay naipadala na sa Department of Labor and Employment (DOLE) noon pang buwan ng September.