Manila, Philippines – Nagkakainitan na sa plenaryo sa pagsalang sa Question Hour ni Budget Sec. Benjamin Diokno kaugnay sa pagbibigay linaw sa 2019 budget.
Unang kongresistang nagtanong ay si House Minority Leader Danilo Suarez kung saan nakwestyon si Diokno sa proseso ng pagrirelease ng budget ng DBM at ang kaugnayan ng pamilya nito kay Sorsogon Vice Governor Ester Hamor at Casiguran Mayor Edwin Boboy Hamor dahil ang mga distrito na ito ang nakatanggap ng malaking bahagi ng budget sa 2019 na aabot sa P2.8 Billion.
Giit ni Diokno, hindi aniya ito pinaguusapan sa kanilang pamilya na siya namang hindi pinaniwalaan ni Suarez.
Mas lalo pang uminit ang Question Hour kay Diokno ng sumalang naman si House Majority Leader Rolando Andaya Jr.
Nakwestyon si Diokno patungkol sa savings, ang ginagawang pagri-release ng budget ng DBM kahit Disyembre na, ang isyu ng budget insertions at ang proseso ng pagba-budget.
Dito ay hindi nagtutugma ang mga sagot ni Diokno sa sunod sunod na tanong ni Andaya.
Sinabi din ni Andaya na nakapag-usap sila ni Pangulong Duterte at lumabas na walang alam ang Presidente sa mga alokasyon sa budget pero paulit-ulit na iginiit ni Diokno na ito ay President’s budget.
Ayon kay Andaya, tulad sa nangyari sa Pangulo, inamin mismo sa kanya ni Public Works and Highways Sec. Mark Villar na hindi ang kanyang ahensya ang pumipili ng proyektong popondohan.
Bukod dito, lumabas na hindi 51 Billion ang budget insertions sa 2019 sa ilalim ng DPWH kundi ito pala ay 75 Billion na inamin mismo ni Diokno.
Agad ding tinapos ni Andaya ang kanyang pagtatanong kung saan mas luminaw na umano ang mga katanungan sa budget dahil sa mga naging sagot ni Diokno.
Pasaring pa nito, huli na para sa budget department ang paghingi nito ng respeto mula sa Kongreso.