Manila, Philippines – Nagalit ang ilang dumayo sa “passport on wheels” ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Manila City Hall.
Nagkasabay-sabay at nagkalituhan kasi ang mga walk-in applicant at ang mga aplikanteng nakapag-register na online sa website ng DFA.
Ayon kay Joel Chua, Secretary to the Vice Mayor ng Maynila, nag-anunsyo na sila na ang mga aplikanteng may ipinasang form sa kanila noong Enero 5 hanggang 10 ang i-aaccomodate sa passport on wheels ng DFA.
Giit naman ni DFA Consular Affairs Assistant Secretary Frank Cimafranca, sayang lang ang panahon ng mga magpipilit na makakuha ng bagong pasaporte kung hindi naman sila nakarehistro para rito.
Aniya, may bilang ang puwedeng maprosesong aplikante ng kanilang passport on wheels.
Payo ni Cimafranca, kung plano ng mga aplikante na mag-walk-in, kumonsulta muna sa lokal na pamahalaan.
Para masilbihan ang mga nag-walk-in, kinuha na lamang ng mga taga-DFA ang kanilang mga application form.
Pero nilinaw ni Cimafranca na beberipikahin pa ito bago tuluyang mabigyan ng appointment para sa passport.