Nagpakilalang NPA, Timbog sa Pangingikil ng isang Negosyante

Cauayan City, Isabela-Arestado ang lalaking nagpakilalang miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos ireklamo ng pangingikil sa isang negosyante kahapon sa Solano, Nueva Vizcaya.

Kinilala ang suspek na si Rumuel Salmos, 39-anyos, residente ng Bonfal Proper, sa bayan ng Bayombong habang ang nabiktima nito ay kinilalang si Marianne Elise Ramos, 47-anyos at residente ng Barangay Bagahabag, Solano, Nueva Vizcaya.

Batay sa imbestigasyon ng PNP Solano, kinikilan umano ng suspek ang biktima ng halagang P60,000 bilang revolutionary tax at pinipilit rin umano ng suspek na makipagtalik sa kanya sa isang hotel.


Dahil dito, agad na ikinasa ang entrapment operation na nagresulta ng pagkadakip sa suspek matapos nitong tanggapin ang pera mula kay Ramos.

Nakumpiska naman sa pag-iingat ng suspek ang nasabing halaga ng pera na ginamit sa transaksyon kabilang ang labinlimang (15) pakete ng hinihinalang naglalaman ng shabu.

Nahaharap sa kasong Robbery Extortion at RA 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek na nasa kustodiya ng pulisya.

Facebook Comments