Manila, Philippines – Nagrereklamo ngayon ang mga empleyado ng Presidential Communications Operations Office o PCOO dahil sa bagal ng proseso ng mga papeles sa loob mismo ng kanilang tanggapan.
Inirereklamo ng mga empleyado ay halos hindi na umandar ang ilang opisina sa loob ng PCOO sa Malacañang dahil ubos na ang mga office supply at hindi makabili ng bago dahil sa tagal ng proseso.
Bukod sa mga office supply ay sinabi ng mga sources sa PCOO na may ilang sasakyan ng pamahalaan na gamit ng PCOO ang hindi makatakbo ng mahigit 2 buwan dahil hindi pa naaaprubahan ang pagpapagawa sa mga ito na ayon sa source ay mga maliliit lamang na problema tulad ng gulong at iba pang maliit na issue sa sasakyan.
Paliwanag ng mga sources, mayroon kasing binuong Procurement Service Unit o PSU ang PCOO na siyang sumasala sa mga request ng budget para sa ibat-ibang pangangailangan ng tanggapan para ito ay tumakbo ng maayos.
Ang PSU na ito anila ay binubuo ng maraming abogado na ayon sa mga sources ay dahilan kung bakit tumatagal ang mga papeles.
Duda ng mga sources ay nagiingat ang mga opisyal ng PCOO matapos masadlak sa issue ng umanoy nawaldas na pondo ng PCOO para sa ASEAN na kinwestiyon ng Commission on Audit pero nakakaapekto naman anila sa pang-araw araw na takbo ng kanilang tanggapan.