NAGSISIHAN | Mga dating opisyal ng PNP SAF, nagturuan sa pagdinig ng senado ukol sa anomalya sa subsistence allowance ng SAF troopers

Manila, Philippines – Nagsisihan at nagturuan ang mga dating opisyal ng Philippine National Police Special Action Force o PNP-SAF sa isinahawang pagdinig ng committee on public order na pinamumunuan ni Senator Panfilo Ping Lacson.

Kaugnay ito sa mahigit 58-million pesos na additional subsistence allowance na hindi naibigay sa mahigit 4,000 SAF troopers simula 2016 hanggang 2017.

Paliwanag ni dating PNP SAF head Police Director Benjamin Lusad, hindi niya alam na hindi naibibigay sa SAF troopers ang kanilang dagdag na allowance na hawak ni dating SAF budget officer Police Senior Superintendent Andre Dizon.


Inamin din ni lusad na nagkaroon nga ng training at fellowship ang SAF pero hindi sinabi sa kanya ni Dizon na ang ginastos dito ay bahagi pala ng nabanggit na susbsistence allowance.

Depensa naman ni Dizon, hindi niya ipinalabas ang budget para sa subsistence allowances dahil walang go-signal o clearance ni Lusad.

Hindi naman pumasa kay Lacson ang paliwanag ni Dizon na itinago niya pansamantala at ibinalik nitong abril ang 37-million pesos sa nabanggit na pondo dahil wala syang naging kapalit agad bilang budget officer ng SAF.

Lumabas din sa pagdinig na bahagi ng nabanggit na pondo ay ginugol lamang sa mga kawani ng SAF na nakatalaga sa National Bilibid Prison.

Paliwanag naman ni dating PNP Chief at ngayon ay Bureau of Corrections Director General Ronald Bato dela Rosa, nalaman lang niya ito halos 3 linggo bago sya magretiro na agad niyang pina-imbestigahan at inalis agad sa pwesto ang mga opisyal na sangkot.

Facebook Comments