NAGSUKA NG DUGO | Board member ng Isabela na nakabunggo at nakapatay ng parking attendant, isinugod sa ospital

Isinugod sa sa Capitol Medical Center ang board member ng Isabela na lasing at nakapatay ng isang parking attendant.

Ayon sa kaniyang abogado na si Atty. Mark Monjardin, nagsuka umano ng dugo si Isabela board member Ed Christopher Go habang nasa kustodiya ng QCPD Traffic Sector 4.

Aniya, ito ay dulot ng trauma at pinsala sa ulo matapos mabangga ng minamaneho niyang BMW.


Tumangging humarap sa Media ang bokal ng Isabela pero ayon kay Atty. Mark Monjardin, tiniyak ni board member Go na sasagutin at handa niyang tulungan ang pamilya ng parking attendant na kaniyang nabunggo at napatay kaninang ala una ng madaling araw sa kanto ng Scout Fuentebella at Tomas Morato sa Quezon city.

Kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide at Violation of Section 53 ng Republic Act 4136 o Anti-drunk driving ang isasampa Go.

Nagtamo ng matinding tama sa ulo at bali sa katawan ang 54-anyos na si Celso Calacat na nasanhi ng kaniyang agarang kamatayan.

Ayon kay P03 Joel Avizo ng QCPD Traffic Sector 4, inaasistehan ni Calacat na mag-park ang isang sasakyan nang salpukin ng BMW habang nasa gitna ito ng kalsada alauna ng madaling-araw kanina.

Sa pahayag ng ilang mga nakasaksi, nakaladkad pa ng halos 30-metrong layo ang biktima.

Lumilitaw sa pagsusuri ng Jose Reyes Medical Center na nagpositibo si Go sa nakalalasing na inumin nang mangyari ang insidente.

Nasa kustodiya na ng QCPD Traffic Sector 4 si Board member Go.

Facebook Comments