Manila, Philippines – Nagtakda ang Philippine Competition Commission (PCC) ng mga kondisyon matapos aprubahan ang pag-acquire ng Grab sa operasyon ng Uber sa Pilipinas.
Ayon kay PCC Chairman Arsenio Balisacan, isang team ang magmo-monitor sa loob ng isang taon sa gagawing pagtalima ng Grab sa mga inilatag na kondisyon.
Kabilang dito ang pagtitiyak ng Grab na magiging maayos at patas ang serbisyo nito kasama na ang hindi paniningil ng sobra-sobra.
Ipinarerebisa din sa Grab ang trip receipt para malinaw sa pasahero ang fare breakdown at mapababa ang cancellation rates ng mga drivers.
Dapat din magkaroon destination masking ang app ng mga driver na mababa ang acceptance rate, para hindi makita ang destinasyon ng pasahero at hindi na makatanggi sa booking.
Pinatitiyak din ng PCC sa Grab na makabiyahe ang driver o operators nito sa iba pang Transport Network Company (TNC).
Inaatasan rin ang Grab na magpatupad ng driver code of conduct, magtayo ng Grab Driver Academy para maging maayos pa ang kanilang serbisyo, magkaroon ng driver reward program at driver welfare program.
Para sa mga pasahero, inoobliga ang Grab na magkaroon ng passenger code of conduct at emergency sos feature o help center.
Sinabi naman ni Grab Country Head Brian Cu, tatalima sila sa mga inilatag na kondisyon.
Sa kada paglabag ng Grab sa commitment decision ng PCC, maari silang maharap sa dalawang milyong pisong multa.