Nahuling HVT sa Drug Buy Bust Operation sa Cauayan City, Kakasuhan na Ngayong Araw

15

Cauayan City, Isabela- Sasampahan na ngayong araw ng Miyerkules, Disyembre 1, 2021 ang isang drug suspek na high value target ng PDEA Region 2 na nahuli sa ikinasang drug buy bust operation noong Martes ng madaling araw, Nobyembre 29, 2021 sa Purok 7, Brgy District 1, Cauayan City, Isabela.

Ayon sa imbestigador ng Cauayan City Police Station, mahaharap sa mga kasong paglabag sa Section 5 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at paglabag sa RA 10591 o illegal possession of firearms ang suspek na kinilalang si Ernesto Ogoy, 49 anyos, at residente ng Brgy. Bustamante, Luna, Isabela.

Sa isinagawang operasyon, positibo umanong nabili kay Ogoy ang isang (1) piraso ng heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.


At sa pagpapatuloy ng nasabing operasyon, nakumpiska rin ng mga otoridad mula sa pag-iingat ng suspek ang dalawa (2) pang piraso ng pakete na naglalaman din ng pinaniniwalaang shabu.

Tinatayang may timbang na 60 grams ang mga nakuhang iligal na droga sa supek na tinatayang nagkakahalaga ng P720,000.

Maliban ditto, nakuha rin mula kay Ogoy ang isang libong piso at limang tig 1,000 pesos na boodle money, cellphone, pitaka, pera na nagkakahalaga ng 422 pesos at mga ID cards.



Nakuha rin sa tool box ng kanyang motorsiklo ang isang Caliber 38 na baril na kargado ng tatlong (3) bala at kinumpiska rin ng mga otoridad ang kanyang sakay na motorsiklo.

Ayon pa sa imbestigador ng PNP Cauayan City, matagal nang minamanmanan ng mga otoridad ang galaw ng suspek na matagal na rin umanong sangkot sa pagtutulak ng iligal sa droga sa Lungsod ng Cauayan.


Facebook Comments