NAIA, pinapapalitan ang pangalan

Pinapapalitan ng ilang kongresista sa Kamara ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa House Bill 7031 na inihain nina Deputy Speaker Paolo Duterte, Marinduque Representative Lord Allan Velasco at Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support (ACT-CIS) Partylist Representative Eric Go-Yap ay papalitan na ang pangalan ng NAIA bilang Paliparang Pandaigdig ng Pilipinas.

Giit ni Duterte, dapat magkaroon nang ‘branding’ sa paliparan na siyang tunay na kakatawan sa bansa sa international gateway.


Bukod sa nakapangalan sa Pilipinas ang paliparan ay gamit din dito ang ating pambansang wika.

Nais ng mga kongresista na makita sa pangalan pa lang ng airport ang ‘legacy’ at kabayanihan ng mga Pilipino, gayundin ay wala itong nirerepresenta na kulay o political agenda.

Dagdag naman ni Velasco, layunin din ng panukala na palakasin ang pagkakakilanlan sa bansa at bigyan ng bagong posisyon ang Pilipinas bilang ‘tourist destination’ ngayong naghahanda na sa muling pagbubukas ang bansa sa oras na matapos na ang pandemya.

Binigyang diin naman ni Yap na dapat pagdating sa paliparan ay sumasalamin ito sa bansa at sa mga Pilipino at mas lalong maramdaman ng mga kababayang Overseas Filipino Worker na nakauwi na sila sa kanilang tahanan.

Facebook Comments