NAIPAMAHAGI NA | Mga bagong plaka, nai-deliver na – LTO

Manila, Philippines – Iniulat ni Land Transportation Office Assistant Secretary Edgar Galvante naipadala na sa lahat ng mga regional offices nito ang karamihan ng license plates ng mga nagpa-rehistro magmula noong July 2016 hanggang December 2017 na gawa mismo ng LTO Plate Making Facility.

Aniya, tinatayang nasa anim na milyon naman na driver’s license cards ang naimprenta na ng LTO at ipinag-utos ang paggawa pa ng karagdagang apat na milyon upang tuldukan ang backlog sa lisensiya sa pagmamaneho.

Sa ngayon ay pinaplantsa na ng LTO atrasadong pag-isyu ng motor vehicle license plates para sa mga registered owners noon pang taong 2013.


Ayon kay Galvante, nakikipag-usap na sila sa suppliers ng license plates sa nabanggit na taon na naging subject ng inilabas na temporary restraining order ng Supreme Court at Notice of Disallowance (ND) ng Commission on Audit (COA).

Noong nakaraang buwan, natanggap ng LTO ang resolusyon na binawi na ang Notice of Disallowance ng COA, makalipas ang anim na buwan nang alisin ng Korte Suprema ang nasabing TRO.

Positibo ito dahil sa tinagal ng panahon ay hindi maka-porma ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno sa distribusyon ng plaka ng sasakyan dahil may mga legal issues na kailangang unahing resolbahin.

Matatandaan ang 2013 contract na bahagi ng Motor Vehicle License Plate Standardization Program ng nakalipas na administrasyon ay naibigay sa joint venture ng Knieriem BV Goes at Power Plates Development Concept Inc.

Taong 2015, ipinatigil ng COA sa LTO ang pagbayad sa consortium dahil sa umano ay P477 million advance payment’ na paglabag sa government procurement rules sa 15 milyong plaka, apat na milyon lamang ang naipamahagi.

Ang naka-pending na plaka ay sisimulang i-release matapos na maisumite sa susunod na linggo ng LTO ang rekomendasyon nito sa inamiyendahang kontrata.

Facebook Comments