Naipasang ordinansa sa pagpapatupad ng NCAP, pinag-aaralan pa ng Muntinlupa LGU

Inaaral pa ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa ang naipasang ordinansa para sa implementasyon ng No Contact Apprehension Program (NCAP) sa lungsod.

Ayon kay Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon, sumasailalim sa review ang implementing rules and regulations (IRR) ng NCAP kaya hindi pa ito nasisimulang ipatupad bago pa man pumutok ang kontrobersya ukol sa programa.

Suportado rin ni Biazon ang layunin ng mga lokal na pamahalaan ng Maynila, Quezon City, Valenzuela, Parañaque at San Juan tungo sa paggamit ng makabagong teknolohiya para solusyunan ang problema sa trapiko.


Hindi aniya siya lumagda sa joint statement dahil hindi pa epektibo ang NCAP sa Muntinlupa bagama’t mayroon nang pinasok na kontrata ang nagdaang administrasyon.

Dagdag pa ng alkalde, bukod sa madidisiplina ang mga gumagamit ng kalsada, mababawasan o matatanggal din ang pangongotong at tataas ang kita ng city government.

Ipinunto nito na sa ilalim ng Local Government Code of 1991, may kapangyarihan ang Local Government Units (LGUs) na mag-regulate ng paggamit ng kalsada at lumikom ng pondo.

Facebook Comments